시편 119편 Ang Dating Biblia (1905)
Ang Dating Biblia (1905) · 타갈로그어 · 시편 (Psalms) · 176절
- 1 Mapalad silang sakdal sa lakad, na nagsisilakad sa kautusan ng Panginoon.
- 2 Mapalad silang nangagiingat ng kaniyang mga patotoo, na nagsisihanap sa kaniya ng buong puso.
- 3 Oo, silang hindi nagsisigawa ng kalikuan; sila'y nagsisilakad sa kaniyang mga daan.
- 4 Iyong iniutos sa amin ang mga tuntunin mo, upang aming sunding masikap.
- 5 Oh matatag nawa ang aking mga daan, upang sundin ang mga palatuntunan mo!
- 6 Hindi nga ako mapapahiya, pagka ako'y nagkaroon ng galang sa inyong lahat na mga utos.
- 7 Ako'y magpapasalamat sa iyo sa pamamagitan ng katuwiran ng puso, pagka aking natutuhan ang mga matuwid mong kahatulan.
- 8 Aking tutuparin ang mga palatuntunan mo: Oh huwag mo akong pabayaang lubos.
- 9 Sa paano lilinisin ng isang binata ang kaniyang daan? Sa pagdinig doon ayon sa iyong salita.
- 10 Hinanap kita ng aking buong puso: Oh huwag nawa akong malihis sa iyong mga utos.
- 11 Ang salita mo'y aking iningatan sa aking puso: upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
- 12 Mapalad ka, Oh Panginoon: ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.
- 13 Aking ipinahayag ng aking mga labi ang lahat ng mga kahatulan ng iyong bibig.
- 14 Ako'y nagalak sa daan ng iyong mga patotoo, na gaya ng lahat na kayamanan.
- 15 Ako'y magbubulay sa iyong mga tuntunin, at gagalang sa iyong mga daan.
- 16 Ako'y magaaliw sa iyong mga palatuntunan: hindi ko kalilimutan ang iyong salita.
- 17 Gawan ng mabuti ang iyong lingkod, upang ako'y mabuhay; sa gayo'y aking susundin ang iyong salita.
- 18 Idilat mo ang aking mga mata, upang ako'y makakita ng kagilagilalas na mga bagay sa iyong kautusan.
- 19 Ako'y nakikipamayan sa lupa: huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin.
- 20 Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik na tinatamo sa iyong mga kahatulan sa lahat ng panahon.
- 21 Iyong sinaway ang mga palalong sinumpa, na nagsisihiwalay sa iyong mga utos.
- 22 Alisin mo sa akin ang kadustaan at kakutyaan; sapagka't iningatan ko ang iyong mga patotoo.
- 23 Mga pangulo naman ay nagsiupo, at naguusap ng laban sa akin; nguni't ang lingkod mo'y nagbulay sa iyong mga palatuntunan.
- 24 Ang mga patotoo mo naman ay aking mga kaluguran at aking mga tagapayo.
- 25 Ang kaluluwa ko'y dumidikit sa alabok: buhayin mo ako ayon sa iyong salita.
- 26 Aking ipinahayag ang mga lakad ko, at ikaw ay sumagot sa akin: ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.
- 27 Ipaunawa mo sa akin ang daan ng iyong mga tuntunin: sa gayo'y aking bubulayin ang iyong kagilagilalas na mga gawa.
- 28 Ang kaluluwa ko'y natutunaw sa kabigatan ng loob: iyong palakasin ako ayon sa iyong salita.
- 29 Ilayo mo sa akin ang daan ng kasinungalingan: at ipagkaloob mo sa aking may pagbibiyaya ang iyong kautusan.
- 30 Aking pinili ang daan ng pagtatapat: ang mga kahatulan mo'y inilagay ko sa harap ko.
- 31 Ako'y kumapit sa iyong mga patotoo: Oh Panginoon, huwag mo akong ilagay sa kahihiyan.
- 32 Aking tatakbuhan ang daan ng iyong mga utos, pagka iyong pinalaki ang aking puso.
- 33 Ituro mo sa akin, Oh Panginoon, ang daan ng iyong mga palatuntunan; at aking iingatan hanggang sa wakas.
- 34 Bigyan mo ako ng pagkaunawa at aking iingatan ang iyong kautusan; Oo, aking susundin ng aking buong puso.
- 35 Payaunin mo ako sa landas ng iyong mga utos; sapagka't siya kong kinaaliwan.
- 36 Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga patotoo, at huwag sa kasakiman.
- 37 Alisin mo ang aking mga mata sa pagtingin ng walang kabuluhan. At buhayin mo ako sa iyong mga daan.
- 38 Papagtibayin mo ang iyong salita sa iyong lingkod, na ukol sa takot sa iyo.
- 39 Alisin mo ang aking kadustaan na aking kinatatakutan: sapagka't ang mga kahatulan mo'y mabuti.
- 40 Narito, ako'y nanabik sa iyong mga tuntunin; buhayin mo ako sa iyong katuwiran.
- 41 Padatingin mo rin sa akin ang iyong mga kagandahang-loob, Oh Panginoon, sa makatuwid baga'y ang iyong kaligtasan, ayon sa iyong salita.
- 42 Sa gayo'y magkakaroon ako ng kasagutan sa kaniya na dumuduwahagi sa akin; sapagka't ako'y tumitiwala sa iyong salita.
- 43 At huwag mong lubos na kunin ang salita ng katotohanan sa aking bibig; sapagka't ako'y umasa sa iyong mga kahatulan.
- 44 Gayon ko susundin ang iyong kautusan na palagi magpakailan-kailan pa man.
- 45 At lalakad ako sa kalayaan; sapagka't aking hinanap ang iyong mga tuntunin.
- 46 Ako nama'y magsasalita ng iyong mga patotoo sa harap ng mga hari, at hindi ako mapapahiya.
- 47 At ako'y maaaliw sa iyong mga utos, na aking iniibig.
- 48 Akin namang itataas ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na aking inibig; at ako'y magbubulay sa iyong mga palatuntunan.
- 49 Iyong alalahanin ang salita sa iyong lingkod, na doo'y iyong pinaasa ako.
- 50 Ito'y aking kaaliwan sa aking pagkapighati: sapagka't binuhay ako ng iyong salita.
- 51 Ang palalo ay dumuwahaging mainam sa akin: gayon ma'y hindi ako hihiwalay sa iyong kautusan.
- 52 Aking inalaala ang mga kahatulan mo ng una, Oh Panginoon, at ako'y nagaliw sa sarili.
- 53 Maalab na galit ang humawak sa akin, dahil sa masama na nagpabaya ng iyong kautusan.
- 54 Ang iyong mga palatuntunan ay naging aking mga awit sa bahay ng aking pangingibang bayan.
- 55 Aking inalaala sa gabi ang pangalan mo, Oh Panginoon, at sinunod ko ang iyong kautusan.
- 56 Ito ang tinamo ko, sapagka't aking iningatan ang mga tuntunin mo.
- 57 Ang Panginoon ay aking bahagi: aking sinabi na aking tutuparin ang iyong mga salita.
- 58 Aking hiniling ang iyong biyaya ng aking buong puso: magmahabagin ka sa akin ayon sa iyong salita.
- 59 Ako'y nagiisip sa aking mga lakad, at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo.
- 60 Ako'y nagmadali, at hindi ako nagmakupad, na sundin ang iyong mga utos.
- 61 Pinuluputan ako ng mga panali ng masama; nguni't hindi ko nilimot ang iyong kautusan.
- 62 Sa hating gabi ay babangon ako upang magpasalamat sa iyo, dahil sa iyong mga matuwid na kahatulan.
- 63 Ako'y kasama ng lahat na nangatatakot sa iyo, at ng nagsisitupad ng iyong mga tuntunin.
- 64 Ang lupa, Oh Panginoon, ay puno ng iyong kagandahang-loob: ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
- 65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita.
- 66 Turuan mo ako ng mabuting kahatulan at kaalaman; sapagka't ako'y sumampalataya sa iyong mga utos.
- 67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako; nguni't ngayo'y tinutupad ko ang iyong salita.
- 68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti; ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
- 69 Ang palalo ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin: aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
- 70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo; nguni't ako'y naaaliw sa iyong kautusan.
- 71 Mabuti sa akin na ako'y napighati; upang aking matutuhan ang mga palatuntunan mo.
- 72 Ang kautusan ng iyong bibig ay lalong mabuti sa akin kay sa libong ginto at pilak.
- 73 Ginawa ako at inanyuan ako ng iyong mga kamay: bigyan mo ako ng unawa, upang matutuhan ko ang iyong mga utos.
- 74 Silang nangatatakot sa iyo ay makikita ako, at matutuwa; sapagka't ako'y umasa sa iyong salita;
- 75 Talastas ko, Oh Panginoon na ang mga kahatulan mo ay matuwid, at sa pagtatapat, iyo akong dinalamhati.
- 76 Isinasamo ko sa iyo na maging kaaliwan ko ang iyong kagandahang-loob, ayon sa iyong salita sa iyong lingkod.
- 77 Dumating nawa sa akin ang iyong malumanay na kaawaan upang ako'y mabuhay: sapagka't ang kautusan mo'y aking kaaliwan.
- 78 Mahiya ang palalo; sapagka't dinaig nila ako ng walang kadahilanan: nguni't ako'y magbubulay sa iyong mga tuntunin.
- 79 Bumalik nawa sa akin yaong nangatatakot sa iyo, at silang nangakakakilala ng iyong mga patotoo.
- 80 Maging sakdal nawa ang aking puso sa iyong mga palatuntunan; upang huwag akong mapahiya.
- 81 Pinanglulupaypayan ng aking kaluluwa ang iyong pagliligtas: nguni't umaasa ako sa iyong salita.
- 82 Pinangangalumatahan ng aking mga mata ang iyong salita, samantalang aking sinasabi, Kailan mo ako aaliwin?
- 83 Sapagka't ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak sa usok; gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong mga palatuntunan.
- 84 Gaano karami ang mga kaarawan ng iyong lingkod? Kailan ka gagawa ng kahatulan sa kanila na nagsisiusig sa akin?
- 85 Inihukay ako ng palalo ng mga lungaw na hindi mga ayon sa iyong kautusan.
- 86 Lahat mong mga utos ay tapat. Kanilang inuusig ako na may kamalian; tulungan mo ako.
- 87 Kanilang tinunaw ako halos sa ibabaw ng lupa; nguni't hindi ko pinabayaan ang mga tuntunin mo.
- 88 Buhayin mo ako ayon sa iyong kagandahang-loob; sa gayo'y aking iingatan ang patotoo ng iyong bibig.
- 89 Magpakailan man, Oh Panginoon, ang iyong salita ay natatag sa langit.
- 90 Ang iyong pagtatapat ay sa lahat ng sali't saling lahi: iyong itinatag ang lupa, at lumalagi.
- 91 Namamalagi sa araw na ito ayon sa iyong mga alituntunin; sapagka't lahat ng bagay ay mga lingkod mo.
- 92 Kundi ang kautusan mo'y naging aking kaaliwan, namatay nga sana ako sa aking kadalamhatian.
- 93 Hindi ko kalilimutan kailan man ang mga tuntunin mo; sapagka't sa pamamagitan ng mga yaon ay binuhay mo ako.
- 94 Ako'y iyo, iligtas mo ako, sapagka't aking hinanap ang mga tuntunin mo,
- 95 Inabatan ako ng masama upang ako'y patayin; nguni't aking gugunitain ang iyong mga patotoo.
- 96 Aking nakita ang wakas ng buong kasakdalan; nguni't ang utos mo'y totoong malawak.
- 97 Oh gaanong iniibig ko ang iyong kautusan! Siya kong gunita buong araw.
- 98 Pinarunong ako kay sa aking mga kaaway ng iyong mga utos; sapagka't mga laging sumasa akin.
- 99 Ako'y may higit na unawa kay sa lahat ng tagapagturo sa akin; sapagka't ang iyong mga patotoo ay gunita ko.
- 100 Ako'y nakakaunawa na higit kay sa may katandaan, sapagka't aking iningatan ang mga tuntunin mo.
- 101 Aking pinigil ang mga paa ko sa lahat ng masamang lakad, upang aking masunod ang salita mo.
- 102 Ako'y hindi lumihis sa iyong mga kahatulan; sapagka't iyong tinuruan ako.
- 103 Pagkatamis ng iyong mga salita sa aking lasa! Oo, matamis kay sa pulot sa aking bibig!
- 104 Sa iyong mga tuntunin ay nagkakamit ako ng unawa: kaya't aking ipinagtatanim ang bawa't lakad na sinungaling.
- 105 Ang salita mo'y ilawan sa aking mga paa, at liwanag sa aking landas.
- 106 Ako'y sumumpa, at pinagtibay ko, na aking tutuparin ang mga matuwid mong kahatulan.
- 107 Ako'y nagdadalamhating mainam: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita.
- 108 Tanggapin mo, isinasamo ko sa iyo, ang mga kusang handog ng aking bibig, Oh Panginoon, at ituro mo sa akin ang mga kahatulan mo.
- 109 Ang kaluluwa ko'y laging nasa aking kamay; gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo.
- 110 Ipinaglagay ako ng silo ng masama; gayon ma'y hindi ako lumihis sa iyong mga tuntunin.
- 111 Ang mga patotoo mo'y inari kong pinakamana magpakailanman; sapagka't sila ang kagalakan ng aking puso.
- 112 Ikiniling ko ang puso ko na ganapin ang mga palatuntunan mo, magpakailan man, sa makatuwid baga'y hanggang sa wakas.
- 113 Ipinagtatanim ko sila na may salawahang pagiisip; nguni't ang iyong kautusan ay iniibig ko.
- 114 Ikaw ang kublihan kong dako at kalasag ko: ako'y umaasa sa iyong salita.
- 115 Magsihiwalay kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng kasamaan; upang aking maingatan ang mga utos ng aking Dios.
- 116 Alalayan mo ako ayon sa iyong salita, upang ako'y mabuhay; at huwag mo akong hiyain sa aking pagasa.
- 117 Alalayan mo ako, at ako'y maliligtas, at magkakaroon ako ng laging pitagan sa iyong mga palatuntunan.
- 118 Inilagay mo sa wala silang lahat na naliligaw sa iyong mga palatuntunan; sapagka't ang kanilang pagdaraya ay kasinungalingan.
- 119 Inaalis mo ang lahat ng masama sa lupa na gaya ng taing bakal; kaya't iniibig ko ang mga patotoo mo.
- 120 Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo; at ako'y takot sa iyong mga kahatulan.
- 121 Ako'y gumawa ng kahatulan at kaganapan: huwag mo akong iwan sa mga mangaapi sa akin.
- 122 Maging tagapatnugot ka ng iyong lingkod sa ikabubuti: huwag mong ipapighati ako sa palalo.
- 123 Pinangangalumatahan ng aking mga mata ang iyong pagliligtas, at ang iyong matuwid na salita.
- 124 Gawan mo ang lingkod mo ng ayon sa iyong kagandahang-loob, at ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.
- 125 Ako'y lingkod mo; bigyan mo ako ng unawa; upang aking maalaman ang mga patotoo mo,
- 126 Kapanahunan sa Panginoon na gumawa; sapagka't kanilang niwalang kabuluhan ang kautusan mo.
- 127 Kaya't aking iniibig ang mga utos mo ng higit sa ginto, oo, higit sa dalisay na ginto.
- 128 Kaya't aking pinahahalagahan na matuwid ang lahat mong mga tuntunin tungkol sa lahat ng mga bagay; at ipinagtatanim ko ang bawa't sinungaling na lakad.
- 129 Ang mga patotoo mo'y kagilagilalas; kayat sila'y iniingatan ng aking kaluluwa.
- 130 Ang bukas ng iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag; nagbibigay ng unawa sa walang muwang.
- 131 Aking binuka ng maluwang ang bibig ko, at ako'y nagbuntong-hininga; sapagka't aking pinanabikan ang mga utos mo.
- 132 Manumbalik ka sa akin, at maawa ka sa akin, gaya ng iyong kinauugaliang gawin sa nagsisiibig ng iyong pangalan.
- 133 Itatag mo ang mga hakbang ko sa iyong salita; at huwag magkaroon ng kapangyarihan sa akin ang anomang kasamaan.
- 134 Tubusin mo ako sa pagpighati ng tao: sa gayo'y aking tutuparin ang mga tuntunin mo.
- 135 Pasilangin mo ang mukha mo sa iyong lingkod; at ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.
- 136 Ang mga mata ko'y nagsisiagos ng mga ilog ng tubig; sapagka't hindi nila tinutupad ang kautusan mo.
- 137 Matuwid ka, Oh Panginoon, at matuwid ang mga kahatulan mo.
- 138 Iniutos mo ang mga patotoo mo sa katuwiran at totoong may pagtatapat.
- 139 Tinunaw ako ng aking sikap, sapagka't kinalimutan ng aking mga kaaway ang mga salita mo.
- 140 Ang salita mo'y totoong malinis; kaya't iniibig ito ng iyong lingkod.
- 141 Ako'y maliit at hinahamak: gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang mga tuntunin mo.
- 142 Ang katuwiran mo ay walang hanggang katuwiran, at ang kautusan mo'y katotohanan.
- 143 Kabagabagan at kahirapan ay humawak sa akin: gayon ma'y ang mga utos mo'y aking kaaliwan.
- 144 Ang mga patotoo mo'y matuwid magpakailan man: bigyan mo ako ng unawa at mabubuhay ako.
- 145 Ako'y tumawag ng aking buong puso; sagutin mo ako, Oh Panginoon: iingatan ko ang iyong mga palatuntunan.
- 146 Ako'y tumawag sa iyo; iligtas mo ako, at aking tutuparin ang mga patotoo mo.
- 147 Ako'y nagpauna sa bukang-liwayway ng umaga, at dumaing ako: ako'y umasa sa iyong mga salita.
- 148 Ang mga mata ko'y nanguna sa mga pagpupuyat sa gabi, upang aking magunita ang salita mo.
- 149 Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong kagandahang-loob: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong mga kahatulan.
- 150 Silang nagsisisunod sa kasamaan ay nagsisilapit; sila'y malayo sa iyong kautusan.
- 151 Ikaw ay malapit, Oh Panginoon; at lahat mong utos ay katotohanan.
- 152 Nang una'y nakaunawa ako sa iyong mga patotoo, na iyong pinamalagi magpakailan man.
- 153 Pakundanganan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.
- 154 Ipaglaban mo ang aking usap, at iligtas mo ako: buhayin mo ako ayon sa iyong salita.
- 155 Kaligtasan ay malayo sa masama; sapagka't hindi nila hinahanap ang mga palatuntunan mo.
- 156 Dakila ang mga malumanay mong kaawaan, Oh Panginoon: buhayin mo ako ayon sa iyong mga kahatulan.
- 157 Marami ang mga manguusig sa akin at mga kaaway ko; gayon ma'y hindi ako humiwalay sa iyong mga patotoo.
- 158 Aking namasdan ang mga magdarayang manggagawa at ako'y namanglaw; sapagka't hindi nila sinusunod ang salita mo.
- 159 Dilidilihin mo kung gaano iniibig ko ang mga utos mo: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong kagandahang-loob.
- 160 Ang kabuoan ng iyong salita ay katotohanan; at bawa't isa ng iyong matutuwid na kahatulan ay magpakailan man.
- 161 Inusig ako ng mga pangulo ng walang kadahilanan; nguni't ang puso ko'y nanginginig sa iyong mga salita.
- 162 Ako'y nagagalak sa iyong salita, na parang nakakasumpong ng malaking samsam.
- 163 Aking pinagtataniman at kinasusuklaman ang pagsisinungaling; nguni't ang kautusan mo'y aking iniibig.
- 164 Makapito sa isang araw na pumupuri ako sa iyo, dahil sa iyong matutuwid na kahatulan.
- 165 Dakilang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig ng iyong kautusan. At sila'y walang kadahilanang ikatitisod.
- 166 Ako'y umasa sa iyong pagliligtas, Oh Panginoon. At ginawa ko ang mga utos mo.
- 167 Sinunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo; at iniibig kong mainam,
- 168 Aking tinupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo; sapagka't lahat ng aking lakad ay nasa harap mo.
- 169 Dumating nawa sa harap mo ang aking daing, Oh Panginoon: bigyan mo ako ng unawa ayon sa iyong salita.
- 170 Dumating nawa sa harap mo ang aking pamanhik: iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
- 171 Tulutang magbadya ng pagpuri ang aking mga labi; sapagka't itinuturo mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
- 172 Awitin ng aking dila ang iyong salita; sapagka't lahat ng mga utos mo ay katuwiran.
- 173 Magsihanda nawa ang iyong kamay na tulungan ako; sapagka't aking pinili ang iyong mga tuntunin.
- 174 Aking pinanabikan ang iyong pagliligtas, Oh Panginoon: at ang iyong kautusan ay aking kaaliwan.
- 175 Mabuhay nawa ang aking kaluluwa, at pupuri sa iyo; at tulungan nawa ako ng iyong mga kahatulan.
- 176 Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.
- 📚 Ang Dating Biblia (1905) 책 목록
- 개역개정판 (1998)로
- 개역한글판 (1961)로
- 표준새번역 (1993)로
- King James Version로
- KJV 와 나란히
- 🌐 다른 언어·판
Ang Dating Biblia (1905) — getbible.net(CrossWire SWORD 모듈)에서 가져옴 · 라이선스: 공개 도메인 (Public Domain) · 출처 ↗