잠언 1장 Ang Dating Biblia (1905)
Ang Dating Biblia (1905) · 타갈로그어 · 잠언 (Proverbs) · 33절
- 1 Ang mga kawikaan ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel:
- 2 Upang umalam ng karunungan at turo; upang bulayin ang mga salita ng pagkaunawa;
- 3 Upang tumanggap ng turo sa pantas na paguugali, sa katuwiran, at kahatulan, at karampatan;
- 4 Upang magbigay ng katalinuhan sa musmos. Kaalaman at pagbubulay sa kabataan:
- 5 Upang marinig ng pantas, at lumago sa ikatututo: at upang tamuhin ng taong may unawa ang magagaling na payo:
- 6 Upang umunawa ng kawikaan at ng kahulugan; ng mga salita ng pantas, at ng kanilang malalabong sabi.
- 7 Ang takot sa Panginoon ay pasimula ng kaalaman: nguni't ang mangmang ay humahamak sa karunungan at turo.
- 8 Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang kautusan ng iyong ina:
- 9 Sapagka't sila'y magiging tali ng biyaya sa iyong ulo, at mga kuwintas sa ligid ng iyong leeg.
- 10 Anak ko, kung ikaw ay hikayatin ng mga makasalanan, huwag mong tulutan.
- 11 Kung kanilang sabihin, sumama ka sa amin, tayo'y magsibakay sa pagbububo ng dugo, tayo'y mangagkubli ng silo na walang anomang kadahilanan sa walang sala;
- 12 Sila'y lamunin nating buhay na gaya ng Sheol. At buo, na gaya ng nagsibaba sa lungaw;
- 13 Tayo'y makakasumpong ng lahat na mahalagang pag-aari, ating pupunuin ang ating mga bahay ng samsam;
- 14 Ikaw ay makikipagsapalaran sa gitna namin; magkakaroon tayong lahat ng isang supot:
- 15 Anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila; pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas:
- 16 Sapagka't ang kanilang mga paa ay nagsisitakbo sa kasamaan, at sila'y nangagmamadali sa pagbububo ng dugo.
- 17 Sapagka't walang kabuluhang naladlad ang silo, sa paningin ng alin mang ibon:
- 18 At binabakayan ng mga ito ang kanilang sariling dugo, kanilang ipinagkukubli ng silo ang kanilang sariling mga buhay.
- 19 Ganyan ang mga lakad ng bawa't sakim sa pakinabang; na nagaalis ng buhay ng mga may-ari niyaon.
- 20 Karunungan ay humihiyaw na malakas sa lansangan; kaniyang inilalakas ang kaniyang tinig sa mga luwal na dako;
- 21 Siya'y humihiyaw sa mga pangulong dako na pinaglilipunan; sa pasukan ng mga pintuang-bayan, sa bayan, kaniyang binibigkas ang kaniyang mga salita:
- 22 Hanggang kailan kayong mga musmos, magsisiibig sa inyong kamusmusan? At ang mga nanunuya ay maliligaya sa panunuya, at ang mga mangmang ay mangagtatanim sa kaalaman?
- 23 Magsibalik kayo sa aking saway: narito, aking ibubuhos ang aking espiritu sa inyo.
- 24 Sapagka't ako'y tumawag, at kayo'y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig;
- 25 Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway:
- 26 Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako'y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating;
- 27 Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo.
- 28 Kung magkagayo'y tatawag sila sa akin, nguni't hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni't hindi nila ako masusumpungan:
- 29 Sapagka't kanilang ipinagtanim ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa Panginoon.
- 30 Ayaw sila ng aking payo; kanilang hinamak ang buo kong pagsaway:
- 31 Kaya't sila'y magsisikain ng bunga ng kanilang sariling lakad, at mabubusog ng kanilang sariling mga kagagawan.
- 32 Sapagka't papatayin sila ng pagtalikod ng musmos, at ang pagkawalang balisa ng mga mangmang ay ang sisira sa kanila.
- 33 Nguni't ang nakikinig sa akin ay tatahang tiwasay. At tatahimik na walang takot sa kasamaan.
- 📚 Ang Dating Biblia (1905) 책 목록
- 개역개정판 (1998)로
- 개역한글판 (1961)로
- 표준새번역 (1993)로
- King James Version로
- KJV 와 나란히
- 🌐 다른 언어·판
Ang Dating Biblia (1905) — getbible.net(CrossWire SWORD 모듈)에서 가져옴 · 라이선스: 공개 도메인 (Public Domain) · 출처 ↗