욥기 20장 Ang Dating Biblia (1905)
Ang Dating Biblia (1905) · 타갈로그어 · 욥기 (Job) · 29절
- 1 Nang magkagayo'y sumagot si Zophar na Naamathita, at nagsabi,
- 2 Kaya't nagbibigay sagot sa akin ang aking mga pagiisip, dahil nga sa aking pagmamadali na taglay ko.
- 3 Aking narinig ang saway na inilalagay ako sa kahihiyan, at ang diwa ng aking pagkaunawa ay sumasagot sa akin.
- 4 Hindi mo ba nalalaman ito ng una, mula nang ang tao'y malagay sa lupa,
- 5 Na ang pagtatagumpay ng masama ay maikli, at ang kagalakan ng di banal ay sandali lamang?
- 6 Bagaman ang kaniyang karilagan ay napaiilanglang hanggang sa langit, at ang kaniyang ulo ay umaabot hanggang sa mga alapaap;
- 7 Gayon may matutunaw siya magpakailan man, na gaya ng kaniyang sariling dumi: silang nangakakita sa kaniya ay mangagsasabi: Nasaan siya?
- 8 Siya'y mawawala na gaya ng panaginip, at hindi masusumpungan. Oo, siya'y mawawala na parang pangitain sa gabi.
- 9 Ang mata na nakakita sa kaniya ay hindi na siya makikita pa; ni mamamalas pa man siya sa kaniyang pook.
- 10 Hahanapin ng kaniyang mga anak ang lingap ng dukha, at ang kaniyang mga kamay ay magsasauli ng kaniyang kayamanan.
- 11 Ang kaniyang mga buto ay puspos ng kaniyang kabataan, nguni't hihiga na kasama niya sa alabok.
- 12 Bagaman ang kasamaan ay masarap sa kaniyang bibig, bagaman kaniyang itago sa ilalim ng kaniyang dila;
- 13 Bagaman kaniyang patawarin, at hindi niya ito babayaan, kundi ingatan pa sa loob ng kaniyang bibig;
- 14 Gayon ma'y ang kaniyang pagkain ay nabago na sa kaniyang tiyan, siyang kamandag ng mga ahas sa loob niya.
- 15 Siya'y sumakmal ng mga kayamanan, at kaniyang mga isusuka uli: mga aalisin uli ng Dios sa kaniyang tiyan.
- 16 Kaniyang hihititin ang kamandag ng mga ahas; papatayin siya ng dila ng ulupong.
- 17 Hindi niya matitingnan ang mga ilog, ang umaagos na mga bukal ng pulot at mantekilya.
- 18 Na kaniyang isasauli ang kaniyang pinagpagalan, at hindi lalamunin; ayon sa pag-aari na kaniyang tinangkilik, hindi siya magagalak.
- 19 Sapagka't kaniyang pinighati at pinabayaan ang dukha; kaniyang kinuhang marahas ang isang bahay; at hindi niya itatayo.
- 20 Sapagka't hindi siya nakakilala ng katiwasayan sa loob niya, hindi siya makapagliligtas ng anoman sa kaniyang kinaluluguran.
- 21 Walang bagay na naiwan na hindi niya sinakmal; kaya't ang kaniyang kaginhawahan ay hindi mananatili.
- 22 Sa lubos niyang kasaganaan ay magigipit siya; ang kamay ng bawa't nasa karalitaan ay darating sa kaniya.
- 23 Pagka kaniyang bubusugin ang kaniyang tiyan, ihuhulog ng Dios ang kaniyang mabangis na poot sa kaniya. At ibubugso sa kaniya samantalang siya'y kumakain.
- 24 Kaniyang tatakasan ang sandatang bakal, at ang busog na tanso ay hihilagpos sa kaniya.
- 25 Binubunot niya ang pana, at lumalabas sa kaniyang katawan: Oo, ang makintab na talim ay lumalabas mula sa kaniyang apdo; mga kakilabutan ang sumasa kaniya.
- 26 Lahat na kadiliman ay nalalagay na mga pinakakayamanan niya; isang apoy na hindi hinipan ng tao ay susupok sa kaniya: susupukin niyaon ang naiwan sa kaniyang tolda.
- 27 Ihahayag ng mga langit ang kaniyang kasamaan, at ang lupa ay babangon laban sa kaniya.
- 28 Ang pakinabang ng kaniyang bahay ay yayaon, ang kaniyang mga pag-aari ay huhuho sa kaarawan ng kaniyang kapootan.
- 29 Ito ang bahagi ng masamang tao mula sa Dios, at ang manang takda sa kaniya ng Dios.
- 📚 Ang Dating Biblia (1905) 책 목록
- 개역개정판 (1998)로
- 개역한글판 (1961)로
- 표준새번역 (1993)로
- King James Version로
- KJV 와 나란히
- 🌐 다른 언어·판
Ang Dating Biblia (1905) — getbible.net(CrossWire SWORD 모듈)에서 가져옴 · 라이선스: 공개 도메인 (Public Domain) · 출처 ↗