욥기 10장 Ang Dating Biblia (1905)
Ang Dating Biblia (1905) · 타갈로그어 · 욥기 (Job) · 22절
- 1 Ang aking kaluluwa ay nalulunos sa aking buhay; aking palalayain ang aking daing; ako'y magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa.
- 2 Sasabihin ko sa Dios: Huwag mo akong hatulan; ipakilala mo sa akin kung bakit nakikipagtalo ka sa akin.
- 3 Mabuti ba sa iyo na ikaw ay mamighati, na iyong itakuwil ang gawa ng iyong mga kaaway, at iyong pasilangin ang payo ng masama?
- 4 Ikaw ba'y may mga matang laman, o nakakakita ka bang gaya ng pagkakita ng tao?
- 5 Ang iyo bang mga kaarawan ay gaya ng mga kaarawan ng tao, o ang iyong mga taon ay gaya ng mga kaarawan ng tao,
- 6 Upang ikaw ay magsiyasat ng aking kasamaan, at magusisa ng aking kasalanan,
- 7 Bagaman iyong nalalaman na ako'y hindi masama; at walang makapagliligtas sa iyong kamay?
- 8 Ang iyong mga kamay ang siyang lumalang at nagbigay anyo sa akin sa buong palibot; gayon ma'y pinahihirapan mo ako.
- 9 Iyong alalahanin, isinasamo ko sa iyo, na ako'y iyong binigyang anyo na gaya ng putik; at iuuwi mo ba ako uli sa pagkaalabok?
- 10 Hindi mo ba ako ibinuhos na parang gatas, at binuo mo akong parang keso?
- 11 Ako'y binihisan mo ng balat at laman, at sinugpong mo ako ng mga buto at mga litid.
- 12 Ako'y pinagkalooban mo ng buhay at kagandahang-loob, at pinamalagi ang aking diwa ng iyong pagdalaw.
- 13 Gayon ma'y ang mga bagay na ito ay iyong ikinubli sa iyong puso; talastas ko na ito'y sa iyo:
- 14 Kung ako'y magkasala, iyo nga akong tinatandaan, at hindi mo ako patatawarin sa aking kasamaan.
- 15 Kung ako'y maging masama, sa aba ko; at kung ako'y maging matuwid, hindi ko man itataas ang aking ulo; yamang puspos ng kakutyaan, at ng pagmamasid niring kadalamhatian.
- 16 At kung ang aking ulo ay mataas, iyong hinuhuli akong parang leon: at napakikita ka uling kagilagilalas sa akin.
- 17 Iyong binabago ang iyong mga pagsaksi laban sa akin, at dinaragdagan mo ang iyong galit sa akin; paninibago at pakikipagbaka ang sumasaakin.
- 18 Bakit mo nga ako inilabas mula sa bahay-bata? Napatid sana ang aking hininga, at wala nang matang nakakita pa sa akin.
- 19 Ako sana'y naging parang hindi nabuhay; nadala sana ako mula sa bahay-bata hanggang sa libingan,
- 20 Hindi ba kaunti ang aking mga araw? paglikatin mo nga, at ako'y iyong bayaan, upang ako'y maginhawahan ng kaunti,
- 21 Bago ako manaw doon na hindi ako babalik, sa lupain ng kadiliman at ng lilim ng kamatayan;
- 22 Ang lupain na dilim, na gaya ng salimuot na kadiliman; lupain ng lilim ng kamatayan, na walang anomang ayos, at doon sa ang liwanag ay gaya ng salimuot na kadiliman.
- 📚 Ang Dating Biblia (1905) 책 목록
- 개역개정판 (1998)로
- 개역한글판 (1961)로
- 표준새번역 (1993)로
- King James Version로
- KJV 와 나란히
- 🌐 다른 언어·판
Ang Dating Biblia (1905) — getbible.net(CrossWire SWORD 모듈)에서 가져옴 · 라이선스: 공개 도메인 (Public Domain) · 출처 ↗