시편 89편 Ang Dating Biblia (1905)
Ang Dating Biblia (1905) · 타갈로그어 · 시편 (Psalms) · 52절
- 1 Aking aawitin ang kagandahang-loob ng Panginoon magpakailan man: aking ipababatid ng aking bibig ang iyong pagtatapat sa lahat ng sali't saling lahi.
- 2 Sapagka't aking sinabi, Kaawaan ay matatayo magpakailan man: ang pagtatapat mo'y iyong itatatag sa mga kalangitlangitan.
- 3 Ako'y nakipagtipan sa aking hirang, aking isinumpa kay David na aking lingkod;
- 4 Ang binhi mo'y itatatag ko magpakailan man, at aking itatayo ang luklukan mo sa lahat ng sali't saling lahi. (Selah)
- 5 At pupurihin ng langit ang iyong mga kababalaghan, Oh Panginoon; ang pagtatapat mo naman sa kapulungan ng mga banal.
- 6 Sapagka't sino sa langit ang maitutulad sa Panginoon? Sino sa gitna ng mga anak ng makapangyarihan ang gaya ng Panginoon,
- 7 Isang Dios na kakilakilabot sa kapulungan ng mga banal, at kinatatakutan ng higit sa lahat na nangasa palibot niya?
- 8 Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, sino ang makapangyarihang gaya mo, Oh JAH? At ang pagtatapat mo'y nasa palibot mo.
- 9 Iyong pinagpupunuan ang kapalaluan sa dagat: pagka nagsisibangon ang mga alon niyaon ay pinatatahimik mo.
- 10 Iyong pinagwaraywaray ang Rahab na parang napatay; iyong pinangalat ang iyong mga kaaway ng bisig ng iyong kalakasan.
- 11 Ang langit ay iyo, ang lupa ay iyo rin: ang sanglibutan at ang buong narito ay iyong itinatag,
- 12 Ang hilagaan at ang timugan ay iyong nilikha; ang Tabor at ang Hermon ay nangagagalak sa iyong pangalan.
- 13 Ikaw ay may makapangyarihang bisig: malakas ang iyong kamay, at mataas ang iyong kanang kamay.
- 14 Katuwiran at kahatulan ay patibayan ng iyong luklukan: kagandahang-loob at katotohanan ay nagpapauna sa iyong mukha.
- 15 Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang tunog: sila'y nagsisilakad, Oh Panginoon, sa liwanag ng iyong mukha.
- 16 Sa iyong pangalan ay nangagagalak sila buong araw: at sa iyong katuwiran ay nangatataas sila.
- 17 Sapagka't ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang kalakasan: at sa iyong lingap ay matataas ang aming sungay.
- 18 Sapagka't ang aming kalasag ay ukol sa Panginoon; at ang aming hari ay sa banal ng Israel.
- 19 Nang magkagayo'y nagsalita ka sa pangitain sa iyong mga banal, at iyong sinabi, Aking ipinagkatiwala ang saklolo sa isang makapangyarihan; Aking itinaas ang isang hirang mula sa bayan.
- 20 Aking nasumpungan si David na aking lingkod; Aking pinahiran siya ng aking banal na langis:
- 21 Na siyang itatatag ng aking kamay; palakasin naman siya ng aking bisig.
- 22 Hindi dadahas sa kaniya ang kaaway; ni dadalamhatiin man siya ng anak ng kasamaan.
- 23 At ibubuwal ko ang kaniyang mga kaaway sa harap niya, at sasaktan ko ang nangagtatanim sa kaniya.
- 24 Nguni't ang pagtatapat ko at ang kagandahang-loob ko ay sasa kaniya; at sa pangalan ko'y matataas ang kaniyang sungay.
- 25 Akin namang ilalapag ang kaniyang kamay sa dagat, at ang kaniyang kanan ay sa mga ilog.
- 26 Siya'y dadaing sa akin, Ikaw ay Ama ko, Dios ko, at malaking bato ng aking kaligtasan.
- 27 Akin namang gagawin siyang panganay ko, na pinakamataas sa mga hari sa lupa.
- 28 Ang kagandahang-loob ko'y aking iingatan sa kaniya magpakailan man, at ang tipan ko'y mananayong matibay sa kaniya.
- 29 Ang kaniya namang binhi ay pananatilihin ko magpakailan man, at ang luklukan niya'y parang mga araw ng langit.
- 30 Kung pabayaan ng kaniyang mga anak ang kautusan ko, at hindi magsilakad sa aking mga kahatulan;
- 31 Kung kanilang salangsangin ang mga palatuntunan ko, at hindi ingatan ang mga utos ko;
- 32 Kung magkagayo'y aking dadalawin ng pamalo ang kanilang mga pagsalangsang, at ng mga hampas ang kanilang kasamaan.
- 33 Nguni't ang aking kagandahang-loob ay hindi ko lubos na aalisin sa kaniya, ni akin mang titiisin na ang pagtatapat ko'y magkulang.
- 34 Ang tipan ko'y hindi ko sisirain, ni akin mang babaguhin ang bagay na lumabas sa aking mga labi.
- 35 Minsan ay sumampa ako sa pamamagitan ng aking kabanalan. Hindi ako magbubulaan kay David;
- 36 Ang kaniyang binhi ay mananatili magpakailan man; at ang kaniyang luklukan ay parang araw sa harap ko.
- 37 Matatatag magpakailan man na parang buwan, at tapat na saksi sa langit. (Selah)
- 38 Nguni't iyong itinakuwil at tinanggihan, ikaw ay napoot sa iyong pinahiran ng langis.
- 39 Iyong kinayamutan ang tipan ng iyong lingkod: iyong nilapastangan ang kaniyang putong sa pagtatapon sa lupa.
- 40 Iyong ibinuwal ang lahat niyang mga bakod: iyong dinala sa pagkaguho ang kaniyang mga katibayan.
- 41 Lahat na nagsisidaan sa lansangan ay nagsisisamsam sa kaniya. Siya'y naging kadustaan sa kaniyang mga kalapit.
- 42 Iyong itinaas ang kanan ng kaniyang mga kaaway; iyong pinagalak ang lahat niyang mga kaaway.
- 43 Oo, iyong ibinaligtad ang talim ng kaniyang tabak, at hindi mo itinayo siya sa pakikibaka.
- 44 Iyong pinapaglikat ang kaniyang kakinangan. At iyong ibinagsak ang kaniyang luklukan sa lupa.
- 45 Iyong pinaikli ang mga kaarawan ng kaniyang kabinataan: iyong tinakpan siya ng kahihiyan. (Selah)
- 46 Hanggang kailan, Oh Panginoon, magkukubli ka magpakailan man? Hanggang kailan magniningas ang iyong poot na parang apoy?
- 47 Oh alalahanin mo kung gaano kaikli ang aking panahon: sa anong pagkawalang kabuluhan nilalang mo ang lahat ng mga anak ng mga tao.
- 48 Sinong tao ang mabubuhay at hindi makakakita ng kamatayan, na magliligtas ng kaniyang kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol? (Selah)
- 49 Panginoon, saan nandoon ang iyong dating mga kagandahang-loob, na iyong isinumpa kay David sa iyong pagtatapat?
- 50 Alalahanin mo Panginoon, ang kadustaan ng iyong mga lingkod; kung paanong taglay ko sa aking sinapupunan ang pagdusta ng lahat na makapangyarihang bayan;
- 51 Na idinusta ng iyong mga kaaway, Oh Panginoon, na kanilang idinusta sa mga bakas ng iyong pinahiran ng langis.
- 52 Purihin ang Panginoon, magpakailan man. Siya nawa, at Siya nawa.
- 📚 Ang Dating Biblia (1905) 책 목록
- 개역개정판 (1998)로
- 개역한글판 (1961)로
- 표준새번역 (1993)로
- King James Version로
- KJV 와 나란히
- 🌐 다른 언어·판
Ang Dating Biblia (1905) — getbible.net(CrossWire SWORD 모듈)에서 가져옴 · 라이선스: 공개 도메인 (Public Domain) · 출처 ↗