시편 80편 Ang Dating Biblia (1905)
Ang Dating Biblia (1905) · 타갈로그어 · 시편 (Psalms) · 19절
- 1 Dinggin mo, Oh Pastor ng Israel, ikaw na pumapatnubay sa Jose na parang kawan; ikaw na nauupo sa ibabaw ng mga querubin, sumilang ka.
- 2 Sa harap ng Ephraim, ng Benjamin at ng Manases, ay mapukaw nawa ang kapangyarihan mo, at parito kang iligtas mo kami.
- 3 Papanumbalikin mo kami, Oh Dios; at pasilangin mo ang iyong mukha, at maliligtas kami.
- 4 Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, hanggang kailan magagalit ka laban sa dalangin ng iyong bayan?
- 5 Iyong pinakain sila ng tinapay na mga luha, at binigyan mo sila ng mga luha upang inumin ng sagana.
- 6 Iyong ginawa kaming kaalitan sa aming mga kalapit bansa: at ang mga kaaway namin ay nagtatawanan.
- 7 Ibalik mo kami, Oh Dios ng mga hukbo; at pasilangin mo ang iyong mukha at kami ay maliligtas.
- 8 Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Egipto; iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo yaon.
- 9 Ikaw ay naghanda ng dako sa harap niya, at napailalim ang ugat, at pinuno ang lupain.
- 10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyaon, at ang mga sanga niyaon ay gaya ng mga sedro ng Dios.
- 11 Kaniyang pinaabot ang kaniyang mga sanga hanggang sa dagat, at ang kaniyang mga suwi hanggang sa ilog.
- 12 Bakit mo ibinagsak ang kaniyang mga bakod, na anopa't siya'y binubunot nilang lahat na nangagdadaan?
- 13 Sinisira ng baboy-ramo, at sinasabsab ng mailap na hayop sa parang.
- 14 Bumalik ka uli, isinasamo ko sa iyo, Oh Dios ng mga hukbo: tumungo ka mula sa langit, at iyong masdan, at dalawin mo ang puno ng ubas na ito,
- 15 At ang ubasan na itinanim ng iyong kanan, at ang suwi na iyong pinalakas para sa iyong sarili.
- 16 Nasunog ng apoy, at naputol: sila'y nalipol sa saway ng iyong mukha.
- 17 Mapatong nawa ang iyong kamay sa tao na iyong kinakanan. Sa anak ng tao na iyong pinalakas sa iyong sarili.
- 18 Sa gayo'y hindi kami magsisitalikod sa iyo: buhayin mo kami, at tatawagan namin ang iyong pangalan.
- 19 Papanumbalikin mo kami, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo; pasilangin mo ang iyong mukha at maliligtas kami.
- 📚 Ang Dating Biblia (1905) 책 목록
- 개역개정판 (1998)로
- 개역한글판 (1961)로
- 표준새번역 (1993)로
- King James Version로
- KJV 와 나란히
- 🌐 다른 언어·판
Ang Dating Biblia (1905) — getbible.net(CrossWire SWORD 모듈)에서 가져옴 · 라이선스: 공개 도메인 (Public Domain) · 출처 ↗