시편 71편 Ang Dating Biblia (1905)
Ang Dating Biblia (1905) · 타갈로그어 · 시편 (Psalms) · 24절
- 1 Sa iyo Oh Panginoon, nanganganlong ako: huwag akong mapahiya kailan man.
- 2 Iligtas mo ako sa iyong katuwiran, at sagipin mo ako: ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at iligtas mo ako,
- 3 Ikaw ay maging kanlungan ng aking tahanan, na aking kapaparunang lagi: ikaw ay nagbigay utos na iligtas ako; sapagka't ikaw ay aking malaking bato at aking kuta.
- 4 Sagipin mo ako, Oh aking Dios, sa kamay ng masama, sa kamay ng liko at mabagsik na tao.
- 5 Sapagka't ikaw ay aking pagasa, Oh Panginoong Dios: ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
- 6 Sa pamamagitan mo ay naalalayan ako mula sa bahay-bata: ikaw ang kumuha sa akin sa tiyan ng aking ina: ang pagpuri ko'y magiging laging sa iyo.
- 7 Ako'y naging isang kagilagilalas sa marami; nguni't ikaw ang matibay kong kanlungan.
- 8 Ang bibig ko'y mapupuno ng pagpuri sa iyo, at ng iyong karangalan buong araw.
- 9 Huwag mo akong itakuwil sa katandaan; huwag mo akong pabayaan pagka ang aking kalakasan ay nanglulupaypay.
- 10 Sapagka't ang mga kaaway ko'y nangagsasalita tungkol sa akin: at silang nagsisibakay ng aking kaluluwa ay nangagsasanggunian,
- 11 Na nangagsasabi, pinabayaan siya ng Dios: iyong habulin at hulihin siya; sapagka't walang magligtas.
- 12 Oh Dios, huwag kang lumayo sa akin: Oh Dios ko, magmadali kang tulungan mo ako.
- 13 Mangapahiya at mangalipol sila na mga kaaway ng aking kaluluwa; mangatakpan ng pagkaduwahagi at kasiraang puri sila, na nagsisihanap ng aking kapahamakan.
- 14 Nguni't ako'y maghihintay na palagi, at pupuri pa ako sa iyo ng higit at higit.
- 15 Ang bibig ko'y magsasaysay ng iyong katuwiran, at ng iyong pagliligtas buong araw; sapagka't hindi ko nalalaman ang mga bilang.
- 16 Ako'y yayao na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Dios: aking babanggitin ang iyong katuwiran, sa makatuwid baga'y ang iyo lamang.
- 17 Oh Dios, iyong tinuruan ako mula sa aking kabataan; at hanggang ngayon ay aking inihahayag ang iyong kagilagilalas na mga gawa.
- 18 Oo, pag ako'y tumanda at may uban, Oh Dios, huwag mo akong pabayaan; hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan sa sumusunod na lahi, ang iyong kapangyarihan sa bawa't isa na darating.
- 19 Ang iyo ring katuwiran, Oh Dios, ay totoong mataas; ikaw na gumawa ng dakilang mga bagay, Oh Dios, sino ang gaya mo.
- 20 Ikaw na nagpakita sa amin ng marami at lubhang kabagabagan, bubuhayin mo uli kami, at ibabangon mo uli kami mula sa mga kalaliman ng lupa.
- 21 Palaguin mo ang aking kadakilaan, at bumalik ka uli, at aliwin mo ako.
- 22 Pupurihin din kita ng salterio, ang iyong katotohanan, Oh Dios ko; sa iyo'y aawit ako ng mga kapurihan sa pamamagitan ng alpa, Oh ikaw na Banal ng Israel.
- 23 Ang mga labi ko'y mangagagalak na mainam pagka ako'y umaawit ng mga pagpuri sa iyo; at ang kaluluwa ko, na iyong tinubos.
- 24 Ang dila ko naman ay magsasalita ng iyong katuwiran buong araw: sapagka't sila'y nangapahiya, sila'y nangalito, na nagsisihanap ng aking kapahamakan.
- 📚 Ang Dating Biblia (1905) 책 목록
- 개역개정판 (1998)로
- 개역한글판 (1961)로
- 표준새번역 (1993)로
- King James Version로
- KJV 와 나란히
- 🌐 다른 언어·판
Ang Dating Biblia (1905) — getbible.net(CrossWire SWORD 모듈)에서 가져옴 · 라이선스: 공개 도메인 (Public Domain) · 출처 ↗