시편 69편 Ang Dating Biblia (1905)
Ang Dating Biblia (1905) · 타갈로그어 · 시편 (Psalms) · 36절
- 1 Iligtas mo ako, Oh Dios; sapagka't ang tubig ay tumabon sa aking kaluluwa.
- 2 Ako'y lumulubog sa malalim na burak na walang tayuan: ako'y lumulubog sa malalim na tubig, na tinatabunan ako ng agos.
- 3 Ako'y hapo sa aking daing; ang lalamunan ko'y tuyo: ang mga mata ko'y nangangalumata habang hinihintay ko ang aking Dios.
- 4 Silang nangagtatanim sa akin ng walang anomang kadahilanan ay higit kay sa mga buhok ng aking ulo: silang ibig maghiwalay sa akin, na mga kaaway kong may kamalian, ay mga makapangyarihan: akin ngang isinauli ang hindi ko kinuha.
- 5 Oh Dios, kilala mo ang kamangmangan ko; at ang mga kasalanan ko'y hindi lihim sa iyo.
- 6 Huwag mangapahiya dahil sa akin ang nangaghihintay sa iyo, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo: huwag mangalagay sa kasiraang puri dahil sa akin ang nagsisihanap sa iyo, Oh Dios ng Israel.
- 7 Sapagka't dahil sa iyo ay nagdala ako ng kadustaan; kahihiyan ay tumakip sa aking mukha.
- 8 Ako'y naging iba sa aking mga kapatid, at taga ibang lupa sa mga anak ng aking ina.
- 9 Sapagka't napuspos ako ng sikap sa iyong bahay; at ang mga pagduwahagi nila na nagsisiduwahagi sa iyo ay nangahulog sa akin.
- 10 Pag umiiyak ako at pinarurusahan ko ng pagaayuno ang aking kaluluwa, yao'y pagkaduwahagi sa akin.
- 11 Nang magsuot ako ng kayong magaspang, ay naging kawikaan ako sa kanila.
- 12 Pinag-uusapan ako nilang nangauupo sa pintuang-bayan; at ako ang awit ng mga lango.
- 13 Nguni't tungkol sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, Oh Panginoon, sa isang kalugodlugod na panahon: Oh Dios, sa karamihan ng iyong kagandahang-loob,
- 14 Iligtas mo ako sa burak, at huwag mo akong ilubog: maligtas ako sa kanila na nangagtatanim sa akin, at sa malalim na tubig.
- 15 Huwag akong tangayin ng baha, ni lamunin man ako ng kalaliman: at huwag takpan ng hukay ang kaniyang bunganga sa akin.
- 16 Sagutin mo ako, Oh Panginoon; sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay mabuti: ayon sa karamihan ng iyong mga malumanay na kaawaan ay bumalik ka sa akin.
- 17 At huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod; sapagka't ako'y nasa kahirapan; sagutin mo akong madali.
- 18 Lumapit ka sa aking kaluluwa, at tubusin mo: Iligtas mo ako dahil sa aking mga kaaway.
- 19 Talastas mo ang aking kadustaan, at ang aking kahihiyan, at ang aking kasiraang puri: ang aking mga kaaway, ay pawang nangasa harap mo.
- 20 Kaduwahagihan ay sumira ng aking puso; at ako'y lipos ng kabigatan ng loob: at ako'y naghintay na may maawa sa akin, nguni't wala; at mga mangaaliw, nguni't wala akong masumpungan.
- 21 Binigyan naman nila ako ng pagkaing mapait; at sa aking kauhawan ay binigyan nila ako ng suka na mainom.
- 22 Maging lalang sa harap nila ang kanilang dulang; at maging isang silo kung sila'y nasa kapayapaan.
- 23 Manglabo ang kanilang mga mata, na sila'y huwag makakita; at papanginigin mong palagi ang kanilang mga balakang.
- 24 Ibugso mo ang iyong galit sa kanila, at datnan sila ng kabangisan ng iyong galit.
- 25 Magiba ang tahanan nila; walang tumahan sa kanilang mga tolda.
- 26 Sapagka't kanilang hinabol siya na iyong sinaktan, at sinaysay nila ang damdam niyaong iyong sinugatan.
- 27 At dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan: at huwag silang masok sa iyong katuwiran.
- 28 Mapawi sila sa aklat ng buhay, at huwag masulat na kasama ng matuwid.
- 29 Nguni't ako'y dukha at mapanglaw: sa pamamagitan ng pagliligtas mo, Oh Dios, ay iahon mo nawa ako.
- 30 Aking pupurihin ng awit ang pangalan ng Dios, at dadakilain ko siya ng pasalamat.
- 31 At kalulugdan ng Panginoon na higit kay sa isang baka, o sa toro na may mga sungay at mga paa.
- 32 Nakita ng mga maamo, at nangatuwa: mabuhay ang puso, ninyong nagsisihanap sa Dios.
- 33 Sapagka't dinidinig ng Panginoon ang mapagkailangan, at hindi hinahamak ang kaniyang mga bilanggo.
- 34 Purihin siya ng langit at lupa, ng mga dagat, at ng bawa't bagay na gumagalaw roon.
- 35 Sapagka't ililigtas ng Dios ang Sion, at itatayo ang mga bayan ng Juda; at sila'y magsisitahan doon, at tatangkilikin nila na pinakaari.
- 36 Mamanahin naman ng binhi ng kaniyang mga lingkod; at silang nagsisiibig ng kaniyang pangalan ay magsisitahan doon.
- 📚 Ang Dating Biblia (1905) 책 목록
- 개역개정판 (1998)로
- 개역한글판 (1961)로
- 표준새번역 (1993)로
- King James Version로
- KJV 와 나란히
- 🌐 다른 언어·판
Ang Dating Biblia (1905) — getbible.net(CrossWire SWORD 모듈)에서 가져옴 · 라이선스: 공개 도메인 (Public Domain) · 출처 ↗