이사야 26장 Ang Dating Biblia (1905)
Ang Dating Biblia (1905) · 타갈로그어 · 이사야 (Isaiah) · 21절
- 1 Sa araw na yaon ay aawitin ang awit na ito sa lupain ng Juda: Tayo ay may matibay na bayan; kaligtasan ay kaniyang ilalagay na pinakakuta at pinakakatibayan.
- 2 Buksan ninyo ang mga pintuang-bayan, upang mapasukan ng matuwid na bansa na nagiingat ng katotohanan.
- 3 Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan, na ang pagiisip ay sumasa iyo: sapagka't siya'y tumitiwala sa iyo.
- 4 Magsitiwala kayo sa Panginoon magpakailan man: sapagka't nasa Panginoong Jehova ang walang hanggang bato.
- 5 Sapagka't ibinaba niya sila na nagsisitahan sa itaas, na mapagmataas na bayan: kaniyang ibinaba, ibinaba hanggang sa lupa: kaniyang ibinagsak hanggang sa alabok.
- 6 Yayapakan ng paa, sa makatuwid baga'y ng mga paa ng dukha, at ng mga hakbang ng mapagkailangan.
- 7 Ang daan ng ganap ay katuwiran: ikaw na matuwid ay nagtuturo ng landas ng ganap.
- 8 Oo, sa daan ng iyong mga kahatulan, Oh Panginoon, nangaghintay kami sa iyo: sa iyong pangalan at sa alaala sa iyo ang nasa ng aming kaluluwa.
- 9 Ninasa kita ng aking kaluluwa sa gabi; oo, ng diwa ko sa loob ko ay hahanapin kita na masikap: sapagka't pagka nasa lupa ang iyong mga kahatulan ay nangatututo ng katuwiran ang mga nananahan sa sanglibutan.
- 10 Magpakita man ng awa sa masama, hindi rin siya matututo ng katuwiran; sa lupain ng katuwiran ay gagawa siyang may kamalian, at hindi niya mapapansin ang kamahalan ng Panginoon.
- 11 Panginoon, ang iyong kamay ay nakataas, gayon ma'y hindi nila nakikita: nguni't makikita nila ang iyong sikap sa bayan, at mangapapahiya; oo, sasakmalin ng apoy ang iyong mga kaaway.
- 12 Panginoon, ikaw ay magaayos ng kapayapaan sa amin: sapagka't ikaw rin ang gumawa ng lahat naming gawa na para sa amin.
- 13 Oh Panginoon naming Dios, ang ibang mga panginoon, bukod sa iyo ay nagtaglay ng pagkapanginoon sa amin; nguni't ikaw lamang ang babanggitin namin sa pangalan.
- 14 Sila'y patay, sila'y hindi mabubuhay; sila'y namatay, sila'y hindi babangon: kaya't iyong dinalaw at sinira sila, at pinawi mo ang lahat na alaala sa kanila.
- 15 Iyong pinarami ang bansa, Oh Panginoon, iyong pinarami ang bansa; ikaw ay nagpakaluwalhati: iyong pinalaki ang lahat na hangganan ng lupain.
- 16 Panginoon, sa kabagabagan ay dinalaw ka nila, sila'y nangagbugso ng dalangin, nang pinarurusahan mo sila.
- 17 Gaya ng babae na nagdadalang-tao na lumalapit ang panahon ng kaniyang panganganak, ay nasa hirap at humihiyaw sa kaniyang pagdaramdam; naging gayon kami sa harap mo, Oh Panginoon.
- 18 Kami ay nangagdalang-tao, kami ay nalagay sa pagdaramdam, kami ay tila nanganak ng hangin; kami ay hindi nagsigawa ng anomang kagalingan sa lupa; o nabuwal man ang mga nananahan sa sanglibutan.
- 19 Ang iyong mga patay ay mangabubuhay; ang aking patay na katawan ay babangon. Magsigising at magsiawit, kayong nagsisitahan sa alabok: sapagka't ang iyong hamog ay gaya ng hamog ng mga damo, at iluluwa ng lupa ang mga patay.
- 20 Ikaw ay parito, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa palibot mo: magkubli kang sangdali, hanggang sa ang galit ay makalampas;
- 21 Sapagka't, narito, ang Panginoon ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang parusahan ang mga nananahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan: ililitaw naman ng lupa ang kaniyang dugo, at hindi na tatakpan ang kaniyang nangapatay.
- 📚 Ang Dating Biblia (1905) 책 목록
- 개역개정판 (1998)로
- 개역한글판 (1961)로
- 표준새번역 (1993)로
- King James Version로
- KJV 와 나란히
- 🌐 다른 언어·판
Ang Dating Biblia (1905) — getbible.net(CrossWire SWORD 모듈)에서 가져옴 · 라이선스: 공개 도메인 (Public Domain) · 출처 ↗