에스겔 29장 Ang Dating Biblia (1905)
Ang Dating Biblia (1905) · 타갈로그어 · 에스겔 (Ezekiel) · 21절
- 1 Nang ikasangpung taon, nang ikasangpung buwan, nang ikalabing dalawang araw ng buwan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
- 2 Anak ng tao, ititig mo ang iyong mukha laban kay Faraon na hari sa Egipto, at manghula ka laban sa kaniya, at laban sa buong Egipto;
- 3 Iyong salitain, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y lalaban sa iyo, Faraong hari sa Egipto, na malaking buwaya na nahihiga sa gitna ng kaniyang mga ilog, na nagsabi: Ang ilog ko ay aking sarili, at aking ginawa sa ganang aking sarili.
- 4 At kakawitan kita ng mga pangbingwit sa iyong mga panga, at aking padidikitin ang isda ng iyong mga ilog sa iyong mga kaliskis; at isasampa kita mula sa gitna ng iyong mga ilog, na kasama ng lahat na isda ng iyong mga ilog na magsisidikit sa iyong mga kaliskis.
- 5 At ikaw ay aking iiwan tapon sa ilang, ikaw at ang lahat na isda ng iyong mga ilog: ikaw ay mabubuwal sa luwal na parang; ikaw ay hindi pipisanin, o pupulutin man; aking ibinigay kang pagkain sa mga hayop sa lupa, at sa mga ibon sa himpapawid.
- 6 At lahat ng nananahan sa Egipto ay makakaalam na ako ang Panginoon, sapagka't sila'y naging tukod na tambo sa sangbahayan ni Israel.
- 7 Nang kanilang pigilan ka sa iyong kamay, iyong binali, at iyong nilabnot ang kanilang mga balikat; at nang sila'y sumandal sa iyo, iyong binalian, at iyong pinapanghina ang kanilang mga balakang.
- 8 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, pagdadalhan kita ng tabak sa iyo, at aking ihihiwalay sa iyo ang tao at hayop.
- 9 At ang lupain ng Egipto ay magiging giba at sira; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. Sapagka't kaniyang sinabi, Ang ilog ay akin, at aking ginawa;
- 10 Kaya't, narito, ako'y laban sa iyo, at laban sa iyong mga ilog, at aking lubos na gigibain at sisirain ang lupain ng Egipto, mula sa moog ng Seveneh hanggang sa hangganan ng Etiopia.
- 11 Walang paa ng tao na daraan doon, o paa man ng hayop ay daraan doon, o tatahanan man siyang apat na pung taon.
- 12 At aking gagawing sira ang lupain ng Egipto sa gitna ng mga lupain na sira; at ang kaniyang mga bayan sa gitna ng mga bayang giba ay magiging sira na apat na pung taon; at aking pangangalatin ang mga taga Egipto sa gitna ng mga bansa, at aking pananabugin sila sa mga lupain.
- 13 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa katapusan ng apat na pung taon ay aking pipisanin ang mga taga Egipto, mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan;
- 14 At aking ibabalik uli ang mga bihag sa Egipto, at aking pababalikin sila sa lupain ng Patros, na lupain na kinapanganakan sa kanila; at sila'y magiging doo'y isang mababang kaharian.
- 15 Siyang magiging pinakamababa sa mga kaharian; at hindi na matataas pa man ng higit kay sa mga bansa: at aking babawasan sila, upang huwag na silang magpuno sa mga bansa.
- 16 At hindi na magiging pagasa pa ng sangbahayan ni Israel, na nagpapaalaala ng kasamaan, pagka kanilang lilingunin sila: at kanilang malalaman na ako ang Panginoong Dios.
- 17 At nangyari, nang ikadalawang pu't pitong taon, nang unang buwan, nang unang araw ng buwan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi:
- 18 Anak ng tao, pinapaglilingkod ng mabigat ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia ang kaniyang kawal laban sa Tiro: lahat ng ulo ay nakalbo, at lahat ng balikat ay nalabnot; gayon ma'y wala siyang kaupahan, o ang kaniyang hukbo man, mula sa Tiro, sa paglilingkod na kaniyang ipinaglingkod laban doon.
- 19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking ibibigay ang lupain ng Egipto kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia; at dadalhin niya ang kaniyang karamihan, at kukunin ang samsam sa kaniya, at kukunin ang huli sa kaniya; at magiging kaupahan para sa kaniyang hukbo.
- 20 Ibinigay ko sa kaniya ang lupain ng Egipto na pinakaganti sa kaniya dahil sa kaniyang ipinaglingkod, sapagka't sila'y nagsipagpagal ng dahil sa akin, sabi ng Panginoong Dios.
- 21 Sa araw na yao'y aking palilitawin ang isang sungay upang tumulong sa sangbahayan ni Israel, at aking papangyayarihin ang iyong salita sa gitna nila: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
- 📚 Ang Dating Biblia (1905) 책 목록
- 개역개정판 (1998)로
- 개역한글판 (1961)로
- 표준새번역 (1993)로
- King James Version로
- KJV 와 나란히
- 🌐 다른 언어·판
Ang Dating Biblia (1905) — getbible.net(CrossWire SWORD 모듈)에서 가져옴 · 라이선스: 공개 도메인 (Public Domain) · 출처 ↗