시편 74편 Ang Dating Biblia (1905)
Ang Dating Biblia (1905) · 타갈로그어 · 시편 (Psalms) · 23절
- 1 Oh Dios, bakit mo itinakuwil kami magpakailan man? Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
- 2 Alalahanin mo ang iyong kapisanan na iyong binili ng una, na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana; at ang bundok ng Sion na iyong tinahanan.
- 3 Itaas mo ang iyong mga paa sa mga walang hanggang guho, ang lahat na kasamaang ginawa ng kaaway sa santuario.
- 4 Ang mga kaaway mo'y nagsisiangal sa gitna ng iyong kapulungan; kanilang itinaas ang kanilang mga watawat na pinakatanda.
- 5 Sila'y tila mga tao na nangagtaas ng mga palakol sa mga kakahuyan.
- 6 At ngayo'y lahat ng gawang inanyuan doon. Kanilang pinagputolputol ng palakol at ng mga pamukpok.
- 7 Kanilang sinilaban ng apoy ang iyong santuario; kanilang dinumhan ang tahanang dako ng iyong pangalan hanggang sa lupa.
- 8 Kanilang sinabi sa kanilang puso, ating gibaing paminsan: kanilang sinunog ang lahat na sinagoga ng Dios sa lupain.
- 9 Hindi namin nakikita ang aming mga tanda: Wala nang propeta pa; at wala mang sinoman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
- 10 Hanggang kailan, Oh Dios, mangduduwahagi ang kaaway? Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailan man?
- 11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay, ang iyong kanan? Ilabas mo sa iyong sinapupunan, at iyong lipulin sila.
- 12 Gayon ma'y ang Dios ay aking Hari ng una, na nagliligtas sa gitna ng lupa.
- 13 Iyong hinawi ang dagat sa iyong kalakasan: iyong pinagbasag ang mga ulo ng mga buwaya sa mga tubig.
- 14 Iyong pinagputolputol ang mga ulo ng leviatan, ibinigay mo siya na pagkain sa bayan na tumatahan sa ilang.
- 15 Ikaw ay nagbukas ng bukal at ilog: iyong tinutuyo ang mga malaking ilog.
- 16 Ang araw ay iyo, ang gabi ay iyo rin: iyong inihanda ang liwanag at ang araw.
- 17 Iyong inilagay ang lahat ng mga hangganan ng lupa: iyong ginawa ang taginit at taginaw.
- 18 Iyong alalahanin ito, na nangduwahagi ang kaaway, Oh Panginoon, at nilapastangan ng mangmang na bayan ang iyong pangalan.
- 19 Oh huwag mong ibigay ang kaluluwa ng inakay ng iyong kalapati sa mabangis na hayop: huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailan man.
- 20 Magkaroong pitagan ka sa tipan: sapagka't ang mga madilim na dako ng lupa ay puno ng mga tahanan ng karahasan.
- 21 Oh huwag bumalik na may kahihiyan ang naaapi: pupurihin ng dukha at mapagkailangan ang iyong pangalan.
- 22 Bumangon ka, Oh Dios, ipaglaban mo ang iyong sariling usap: alalahanin mo kung paanong dinuduwahagi ka ng mangmang buong araw.
- 23 Huwag mong kalimutan ang tinig ng iyong mga kaaway: ang ingay niyaong nagsisibangon laban sa iyo ay patuloy na lumalala.
- 📚 Ang Dating Biblia (1905) 책 목록
- 개역개정판 (1998)로
- 개역한글판 (1961)로
- 표준새번역 (1993)로
- King James Version로
- KJV 와 나란히
- 🌐 다른 언어·판
Ang Dating Biblia (1905) — getbible.net(CrossWire SWORD 모듈)에서 가져옴 · 라이선스: 공개 도메인 (Public Domain) · 출처 ↗