시편 105편 Ang Dating Biblia (1905)
Ang Dating Biblia (1905) · 타갈로그어 · 시편 (Psalms) · 45절
- 1 Oh magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kaniyang pangalan; ipabatid ninyo ang kaniyang mga gawain sa mga bayan.
- 2 Magsiawit kayo sa kaniya, magsiawit kayo sa kaniya ng mga pagpuri; salitain ninyo ang lahat niyang kagilagilalas na mga gawa.
- 3 Lumuwalhati kayo sa kaniyang banal na pangalan: mangagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.
- 4 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kaniyang kalakasan; hanapin ninyo ang kaniyang mukha magpakailan man.
- 5 Alalahanin ninyo ang kaniyang kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa: ang kaniyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kaniyang bibig;
- 6 Oh ninyong binhi ni Abraham na kaniyang lingkod, ninyong mga anak ni Jacob, na kaniyang mga hirang.
- 7 Siya ang Panginoon nating Dios: ang kaniyang mga kahatulan ay nangasa buong lupa.
- 8 Kaniyang inalaala ang kaniyang tipan magpakailan man, ang salita na kaniyang iniutos sa libong sali't saling lahi;
- 9 Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham, at ang kaniyang sumpa kay Isaac;
- 10 At pinagtibay yaon kay Jacob na pinakapalatuntunan, sa Israel na pinakawalang hanggang tipan:
- 11 Na sinasabi, sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan, ang kapalaran na iyong mana;
- 12 Nang sila'y kaunti lamang tao sa bilang; Oo, totoong kaunti, at nangakikipamayan doon;
- 13 At sila'y nagsiyaon sa bansa at bansa, mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
- 14 Hindi niya tiniis ang sinomang tao na gawan sila ng kamalian; Oo, kaniyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;
- 15 Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang mga pinahiran ko ng langis. At huwag ninyong gawan ng masama ang mga propeta ko.
- 16 At siya'y nagdala ng kagutom sa lupain; kaniyang binali ang buong tukod ng tinapay.
- 17 Siya'y nagsugo ng isang lalake sa unahan nila; si Jose ay naipagbiling pinakaalipin:
- 18 Ang kaniyang mga paa ay sinaktan nila ng mga pangpangaw; siya'y nalagay sa mga tanikalang bakal:
- 19 Hanggang sa panahon na nangyari ang kaniyang salita; tinikman siya ng salita ng Panginoon.
- 20 Ang hari ay nagsugo, at pinawalan siya; sa makatuwid baga'y ang pinuno ng mga bayan, at pinalaya niya siya.
- 21 Ginawa niya siyang panginoon sa kaniyang bahay, at pinuno sa lahat niyang pag-aari:
- 22 Upang talian ang kaniyang mga pangulo sa kaniyang kaligayahan, at turuan ang kaniyang mga kasangguni ng karunungan.
- 23 Si Israel naman ay nasok sa Egipto; at si Jacob ay nakipamayan sa lupain ng Cham.
- 24 At kaniyang pinalagong mainam ang kaniyang bayan, at pinalakas sila kay sa kanilang mga kaaway.
- 25 Kaniyang pinapanumbalik ang kanilang puso upang mangagtanim sa kaniyang bayan, upang magsigawang may katusuhan sa kaniyang mga lingkod.
- 26 Kaniyang sinugo si Moises na kaniyang lingkod, at si Aaron na kaniyang hirang.
- 27 Kanilang inilagay sa gitna nila ang kaniyang mga tanda, at mga kababalaghan sa lupain ng Cham.
- 28 Siya'y nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim; at sila'y hindi nagsipanghimagsik laban sa kaniyang mga salita.
- 29 Kaniyang pinapaging dugo ang kanilang tubig, at pinatay ang kanilang mga isda.
- 30 Ang kanilang lupain ay binukalan ng mga palaka, sa mga silid ng kanilang mga hari.
- 31 Siya'y nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw, at kuto sa lahat ng kanilang mga hangganan.
- 32 Ibinigay niya sa kanila na pinakaulan ay graniso, at liyab ng apoy sa kanilang lupain.
- 33 Sinaktan naman niya ang kanilang mga puno ng ubas, at ang kanilang mga puno ng higos; at binali ang mga punong kahoy ng kanilang mga hangganan.
- 34 Siya'y nagsalita at ang mga balang ay nagsidating, at ang mga higad, ay yao'y walang bilang,
- 35 At kinain ang lahat na gugulayin sa kanilang lupain, at kinain ang bunga ng kanilang lupa.
- 36 Sinaktan din niya ang lahat na panganay sa kanilang lupain, ang puno ng lahat nilang kalakasan.
- 37 At kaniyang inilabas sila na may pilak at ginto: at hindi nagkaroon ng mahinang tao sa kaniyang mga lipi.
- 38 Natuwa ang Egipto nang sila'y magsialis; sapagka't ang takot sa kanila ay nahulog sa kanila.
- 39 Kaniyang inilatag ang ulap na pinakakubong; at apoy upang magbigay liwanag sa gabi,
- 40 Sila'y nagsihingi, at dinalhan niya ng mga pugo, at binusog niya sila ng pagkain na mula sa langit.
- 41 Kaniyang ibinuka ang bato at binukalan ng tubig; nagsiagos sa tuyong mga dako na parang ilog.
- 42 Sapagka't kaniyang naalaala ang kaniyang banal na salita, at si Abraham na kaniyang lingkod.
- 43 At kaniyang inilabas ang kaniyang bayan na may kagalakan, at ang kaniyang hirang na may awitan.
- 44 At ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa; at kinuha nila ang gawa ng mga bayan na pinakaari:
- 45 Upang kanilang maingatan ang kaniyang mga palatuntunan, at sundin ang kaniyang mga kautusan. Purihin ninyo ang Panginoon.
- 📚 Ang Dating Biblia (1905) 책 목록
- 개역개정판 (1998)로
- 개역한글판 (1961)로
- 표준새번역 (1993)로
- King James Version로
- KJV 와 나란히
- 🌐 다른 언어·판
Ang Dating Biblia (1905) — getbible.net(CrossWire SWORD 모듈)에서 가져옴 · 라이선스: 공개 도메인 (Public Domain) · 출처 ↗