룻기 3장 Ang Dating Biblia (1905)
Ang Dating Biblia (1905) · 타갈로그어 · 룻기 (Ruth) · 18절
- 1 At sinabi sa kaniya ni Noemi na kaniyang biyanan, Anak ko, hindi ba kita ihahanap ng kapahingahan, na ikabubuti mo?
- 2 At ngayo'y wala ba rito si Booz na ating kamaganak, na ang kaniyang mga alila ay siya mong kinasama? Narito, kaniyang pahahanginan ang sebada ngayong gabi sa giikan.
- 3 Maligo ka nga, at magpahid ka ng langis, at magbihis ka at bumaba ka sa giikan: nguni't huwag kang pakilala sa lalake, hanggang siya'y makakain at makainom.
- 4 At mangyayari, paghiga niya, na iyong tatandaan ang dakong kaniyang hihigaan, at ikaw ay papasok, at iyong alisan ng takip ang kaniyang mga paa, at mahiga ka; at sasabihin niya sa iyo kung ano ang iyong gagawin.
- 5 At sinabi niya sa kaniya, Lahat ng iyong sinasabi sa akin ay aking gagawin.
- 6 At siya'y bumaba sa giikan, at ginawa niya ang ayon sa buong iniutos sa kaniya ng kaniyang biyanan.
- 7 At nang si Booz ay makakain at makainom, at ang kaniyang puso'y maligayahan, siya'y yumaong nahiga sa dulo ng bunton ng trigo; at siya'y naparoong marahan, at inalisan ng takip ang kaniyang mga paa, at siya'y nahiga.
- 8 At nangyari, sa hating gabi, na ang lalake ay natakot at pumihit: at, narito, isang babae ay nakahiga sa kaniyang paanan.
- 9 At sinabi niya, Sino ka? At siya'y sumagot, Ako'y si Ruth, na iyong lingkod: iladlad mo nga ang iyong kumot sa iyong lingkod; sapagka't ikaw ay malapit na kamaganak.
- 10 At kaniyang sinabi, Pagpalain ka nawa ng Panginoon, anak ko: ikaw ay nagpakita ng higit na kagandahang loob sa huli kay sa ng una, sa hindi mo pagsunod sa mga bagong tao maging sa dukha o sa mayaman.
- 11 At ngayon, anak ko, huwag kang matakot; gagawin ko sa iyo ang lahat na iyong sinasabi, sapagka't buong bayan ng aking bayan ay nakakaalam na ikaw ay isang babaing may bait.
- 12 At tunay nga na ako'y kamaganak na malapit; gayon man ay may kamaganak na lalong malapit kay sa akin.
- 13 Maghintay ka ngayong gabi, at mangyayari sa kinaumagahan, na kung kaniyang tutuparin sa iyo ang bahagi ng pagkakamaganak, ay mabuti; gawin niya ang bahagi ng pagkakamaganak: nguni't kundi niya gagawin ang bahagi ng pagkakamaganak sa iyo, ay gagawin ko nga ang bahagi ng pagkakamaganak sa iyo, kung paano ang Panginoon ay nabubuhay: mahiga ka nga hanggang kinaumagahan.
- 14 At siya'y nahiga sa kaniyang paanan hanggang kinaumagahan: at siya'y bumangong maaga bago magkakilala ang isa't isa. Sapagka't kaniyang sinabi, Huwag maalaman na ang babae ay naparoon sa giikan.
- 15 At kaniyang sinabi, Dalhin mo rito ang balabal na nasa ibabaw mo at hawakan; at hinawakan niya; at siya'y tumakal ng anim na takal na sebada, at isinunong sa kaniya; at siya'y pumasok sa bayan.
- 16 At nang siya'y pumaroon sa kaniyang biyanan, ay sinabi niya, Ano nga, anak ko? At isinaysay niya sa kaniya ang lahat na ginawa sa kaniya ng lalake.
- 17 At sinabi niya, Ang anim na takal na sebadang ito ay ibinigay niya sa akin; sapagka't kaniyang sinabi, Huwag kang pumaroong walang dala sa iyong biyanan.
- 18 Nang magkagayo'y sinabi niya, Maupo kang tahimik, anak ko, hanggang sa iyong maalaman kung paanong kararatnan ng bagay: sapagka't ang lalaking yaon ay hindi magpapahinga, hanggang sa kaniyang matapos ang bagay sa araw na ito.
- 📚 Ang Dating Biblia (1905) 책 목록
- 개역개정판 (1998)로
- 개역한글판 (1961)로
- 표준새번역 (1993)로
- King James Version로
- KJV 와 나란히
- 🌐 다른 언어·판
Ang Dating Biblia (1905) — getbible.net(CrossWire SWORD 모듈)에서 가져옴 · 라이선스: 공개 도메인 (Public Domain) · 출처 ↗